Wednesday, October 12, 2011

Time Travel

Masuwerte ako dahil pinanganak ako sa pagitan ng Generations Y at Z. Hindi ko alam kung anung klase ng buhay meron ang mga pilipino noon bago mag deklara si Marcos ng Martial Law. Sabi nila pagkatapos ng Martial Law, wala naman daw pinagbago, mas lumala pa. Lumala nga ba?


Sa pagkakaalala ko, ang kuryente noon ay para lang sa may mga sinasabi sa buhay. Malas lang wala kaming sinasabi, wala rin kaming kuryente. Maliban sa pagiging madungis at puno ng kulangot ang ilong paggising sa umaga, wala naman akong reklamo sa gasera. Enjoy akong magbasa ng komiks sa gabi kahit may nakikibasang gamo-gamo. Limang taon pa lang ako paborito ko ng basahin ang Hiwaga, Engkantada, Shocker, Thriller, Fantasy at iba pang komiks na may kaparehong tema. Napakabata ko pa para mahilig sa mga kababalaghan. Sa komiks ko nalaman ang mga palatandaan na ang tao ay isang aswang kung: baliktad ang repleksyon mo sa mata nito, wala itong kanal sa pagitan ng ilong at bibig (tulad ni Voldemort), hindi lumalabas ng bahay sa araw. Nakakahawa daw ang pagiging aswang. Una kung nakalmot ka nito at pangalawa kung nakakain ka ng pagkaing may halong laway ng aswang. Ang sabi pa ng matatanda, lilitaw lang ang pagiging aswang ng isang tao pagsapit kanyang ika-18 na kaarawan. Kabado ako nun na baka magtransform ako pag 18 ko. Lalo na't pinanganak ako sa isang malayo at liblib na baryo sa Samar.


Wala akong pinalalagpas na episodes ng Gabi ng Lagim sa DZRH gamit ang nagiisa naming appliance - ang radyo. Mula sa detalyadong pagsasadula "totoo ba tong nakikita ko? isang babaeng nakaputi... pagkahaba haba ng buhok na tila gustong itago ang mukha nya... hindi ko maaninag ang mukha nya... teka... lalapit pa ko ng konte... bakit tila hindi sumasayad ang mga paa nya... at ano ito bakit wala siyang mukha aaah, hindi ko nakikita, pero nagtatakip ako ng kumot. Maraming salamat sa radyo, naging wild ang imagination ko. Oo nga pala, di ko pwedeng makalimutan ang Negra Bandida bago mag Gabi ng Lagim.


Black and white at di-pihit pa ang mga TV nun. Sa 12 inches na TV ng kapitbahay namin, hindi ko lubos maisip kung paano ko napagtyagaan manood dito ng ilang oras ng nakatayo. Sa ngalan nina Maskman, Shaider, Mask Rider Black, Ultraman at Magmaman. Lalo akong nagmukhang tanga sa suot kong animo relo na gawa mula sa binilog na palara... sabay sigaw ng AURA MASK!!! Naaliw ako kay Cedie. Naiyak kay Remi. Naawa kay Princess Sarah. Namangha kay Peter Pan. At ang pinaka na nabilib ako, nagtatagalog sila.



High School ako nang muling sakupin ng Japan ang Pilipinas - ito ay ng maganap ang pinakamalupit na anime invasion. Una kong kinahumalingan ang BT X. Mas tumatatak pa sa isip ko ang mga pangalan nina Fao at BT Jutaime, Ron at BT Raido, Hokuto at BT Max, Karen at BT X kesa sa leksyon namin sa history. Kapag uwian galing eskwela, nag susuper saiayan ako para maabutan ko ang Dragon Ball Z at Hunter x Hunter. Bakit kasi hindi ko na predict na mauuso ang youtube pagdating ng araw.


Hindi pa affordable ang mag cellphones noon. Mayayaman lang ang nakakabili ng Nokia 3310. Hindi pa pinakikilala sa amin ang internet. Pag may assignment, dalawa lang ang choices: textbooks o library. Pero para sakin, nerd classmate equals google. Tutal di rin naman ako nakikipag kompetensya sa medalya, balato na lang nila sa kin yung maipasa ko ang buong school year sa tulong nila.


After college na ng umusbong ang Friendster, Myspace, Hi-5, Multiply at ang pinakahuli nga ay ang Facebook at Twitter. Hindi ko maeenjoy ang mga ito kung hindi ko naranasan noon ang payak na pamumuhay. Mula sa panahon na walang kuryente, walang TV, walang sine, walang cellphones. Masaya na ko noon sa radyo. What more pa ngayon eh may computer na ako. Hindi na talaga mapigilan ang pag unlad ng teknolohiya.


Ang inaabangan ko na lang ngayon eh yung mauso na ang holograms, teleportations, time travel, robot na mga katulong. Yung panahon na kung saan ang earth ay isa ng Wi-fi zone. May mga shopping malls na sa moon. Ang importation at exportation ay planet to planet o galaxy to galaxy. At ang lahat ng tao ay marunong ng summoning technique.

No comments: